Ang 2000 (MM) ay isang siglong taong bisyesto na nagsisimula sa Sabado, sang-ayon sa kalendaryong Gregoryano. Ito ang ika-100 at huling taon ng ika-20 dantaon, ika-2000 taon ng Anno Domini o Karaniwang Panahon, ang unang taon ng dekada 2000, ang ika-25 at huling taong bisyesto ng ika-20 dantaon, at ang ika-1000 at huling taon ng ikalawang milenyo.
Itinalaga ang 2000 bilang ang Internasyunal na Taon para sa Kultura ng Kapayapaan[1] at ang Pandaigdigang Taon ng Matematika.[2]
Pinanghahawakan ng popular na kultura ang taong 2000 bilang ang unang taon ng ika-21 dantaon at ng ikatlong milenyo dahil sa kinaugaliang pagpapangkat ng mga taon ayon sa desimal na halaga, na para bang nabibilang ang taong sero. Sang-ayon sa kalendaryong Gregoryano, pumapatak ang pagtatanging ito sa taong 2001, dahil retroaktibong sinasabing nagsisimula ang unang dantaon sa taong AD 1. Yayamang walang taong sero ang kalendaryong Gregoryano, umabot ang unang milenyo mula sa loob ng mga taong 1 hanggang 1000 at ang ikalawang milenyo mula sa mga taong 1001 hanggang 2000. (Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang dantaon at milenyo.)
Dinadaglat din minsan ang taong 2000 bilang "Y2K" (nangangahulagan ang "Y" bilang "year", ang Ingles ng taon, at nangangahulugan ang "K" bilang "kilo" na ibig sabihin ay "isang libo").[3][4] Naging paksa ng alalahaning Y2K ang taong 2000, na mga takot sa hindi tamang pagpalit mula 1999 tungo 2000 ng mga kompyuter. Bagaman, sa katapusan ng 1999, maraming mga kompanya ang nagpalit na sa bago, o pinataas na software. May ilan din ang kumuha ng "sertipikasyong Y2K." Bilang isang resulta ng malawakang pagsisikap, medyo kaunting mga problema ang naganap.