Abenida ng United Nations United Nations Avenue | |
---|---|
U.N. Avenue | |
Impormasyon sa ruta | |
Haba | 1.9 km (1.2 mi) |
Bahagi ng | |
Pangunahing daanan | |
Dulo sa silangan | N156 (Karugtong ng Abenida Quirino) at Kalye Paz Mendoza Guazon sa Pandacan |
| |
Dulo sa kanluran | N120 (Bulebar Roxas) sa Ermita |
Sistema ng mga daan | |
Mga daanan sa Pilipinas |
Ang Abenida ng United Nations (Ingles: United Nations Avenue, at karaniwang tinatawag na U.N. Avenue at maaring isalin nang literal sa Tagalog bilang Abenida ng mga Nagkakaisang Bansa) ay isang pangunahing lansangan sa Maynila, Pilipinas, na nagdurugtong sa Ermita at ang mga distrito sa silangan ng lungsod, tulad ng Pandacan at Paco. Nagsisimula ito sa sangandaan (fork) ng karugtong ng Abenida Quirino at Kalye Paz Mendoza Guanzon sa may kanluran ng Pandacan. Tutuloy ito sa mga pook ng Tanque at Isla de Provisor sa hilagang Paco habang dinaraanan nito ang ilang hanay ng mga bodega at iilang gusaling institusyonal. Sa kanluran ng Abenida Taft, dadaan ito sa maabalang distrito ng Ermita na may mga otel, gusali pang-opisina, at ospital. Nagwawakas ito sa Bulebar Roxas. Ang kabuuang haba nito ay 1.9 kilometro (1.2 milya).
Isang pangunahing daang arteryal na pang-komersiyal, pantahanan, at pang-industriya ang abenidang ito. Matatagpuan rito ang himpilan ng Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan (WHO) sa Kanlurang Pasipiko. Ilan pa sa mga kilalang pook na matatagpuan rito ay ang tanggapan ng Pambansang Kawanihan ng Pagsisiyasat (o NBI, sa sangandaan nito sa Abenida Taft), punong-tanggapan ng Manila Police District, bahay-ampunan ng Asilo de San Vicente de Paul, pampublikong kompanya ng Unilever Philippines, Inc., at Waterfront Manila Pavilion Hotel.
Itinakda ang Abenida United Nations bilang isang pambansang daang sekundarya ng sistema ng lansangang bayan sa Pilipinas bilang N156 (o Pambansang Ruta Blg. 156).