Ang alkoholismo ay isang salitang may iba't ibang kahulugan ngunit magkakasalungat na kahulugan. Sa karaniwan at pangkasaysayan na paggamit, binabanggit ang alkoholismo bilang kahit anong kalagayang nagresulta sa patuloy na pag-inom ng mga inuming alkoholiko sa kabila ng mga problema sa kalusugan at negatibong kahihinatnan nito sa lipunan. Inilalarawan ng medisina ang alkoholismo bilang isang sakit na nagresulta sa paulit-ulit na pag-inom ng alak at iba pang inuming nakalalasing sa kabila ng mga negatibong kahihinatnan nito. Maaari ring banggitin ang alkoholismo sa pagiging maligalig sa pag-inom o pagpilit na makainom ng alak, at maging sa kawalan ng abilidad na makilala ang mga negatibong epekto ng sobrang pag-inom ng alak.
Habang kailangan ang pag-inom ng alak upang magkaroon ng alkoholismo, hindi nangangahulugang magkakaroon ang isang tao ng alkoholismo base lamang sa pag-inom ng alak. Iba-iba ang epekto ng alak—at ang pagkakaroon ng alkoholismo—sa bawat tao, lalo na sa mga aspeto ng kung gaano karami at gaano kadalas uminom ng alak. Dagdag pa rito, hindi pa man alam ng mga mananaliksik ang mga mekanismo sa katawan ng tao na mag-uugnay sa pagkakaroon ng alkoholismo, ilang mapapanganib na katungkulan ang nakilala na gaya ng paligirang panlipunan (social environment), kalusugang pang-emosyonal (emotional health), at kalagayang henetika (genetic predisposition).