Ang araling pantao o humanidádes[1] (Kastila: humanidades) ay ang mga larangan na nag-aaral sa kultura at lipunan ng tao. Orihinal na ginamit ang salitang ito upang maihiwalay ang dibinidad sa klasiks, ang sekular na pinag-aaral noon sa mga pamantasan. Sa kasalukuyang panahon, tinutukoy ng araling pantao ang mga disiplinang labas sa matematika o agham.
Kumpara sa empirikal na paraan na ginagawa ng mga likas na agham, nakatuon ang araling pantao sa kritisismo at haka-haka. Ilan sa mga kabilang sa araling pantao ay ang mga pag-aaral sa sinauna at modernong wika, panitikan, pilosopiya, kasaysayan, arkeolohiya, antropolohiya, heograpiyang pantao, batas, relihiyon, at sining.
Humanista (Kastila: humanista, Ingles: humanist) ang tawag sa mga taong nag-aaral sa mga larangang sakop ng araling pantao. Ang naturang salita ay ginagamit din upang tukuyin yung mga taong nagtatanggol sa pilosopiya ng humanismo,[2] na iba sa araling pantao. Bukod rin dito, ginagamit rin madalas ang salita upang tukuyin ang mga iskolar at alagad ng sining noong panahon ng Renasimiyento. Ngayon, ang klase ng araling pantao sa ilang mga paaralan ay kinabibilangan ng panitikan, araling pandaigdigan, at sining.