Ang balada o ballad ay isang anyo ng tula, kadalasang isang salaysay na nasa musika. Hinango ang mga balada sa Pranses na medyebal na chanson balladée o ballade, na orihinal na nangangahulugang "mga awit ng sayaw". Partikular na karakateristiko ang mga balada ng tanyag na tula at awit ng Bretanya at Irlanda mula sa Huling Gitnang Panahon hanggang sa ika-19 na dantaon. Malawakang ginagamit ang mga ito sa buong Europa, at kalaunan sa Australya, Hilagang Aprika, Hilagang Amerika at Timog Amerika.
Habang walang itinakdang kayarian ang mga balada at maaaring iba-iba ang kanilang bilang ng mga linya at saknong, maraming mga balada ang gumagamit ng apatang-taludtod na may iskimang tulang ABCB o ABAB, na susi ang nakatugmang ikalawa at ikaapat na linya. Taliwas sa popular na pagkaunawa, bihira kung hindi man wala ang isang balad na naglalaman ng eksaktong 13 linya. Bukod pa rito, bihira ang mga dalawahang-taludtod na lumabas sa mga balada.
Maraming balada ang isinulat at ibinenta bilang mga isahang-pirasong broadside. Kadalasang ginagamit ang anyo ng mga makata at kompositor mula noong ika-18 dantaon pataas upang makagawa ng mga baladang liriko. Sa huling bahagi ng ika-19 na dantaon, nagkaroon ang katawagan ng kahulugan ng isang mabagal na anyo ng sikat na awit ng pag-ibig at kadalasang ginagamit para sa anumang awit ng pag-ibig, partikular na ang sentimental na ballad ng musikang pop o rak, bagaman, naikakabit din ang katawagan sa konsepto ng isang inistilong pagkukuwento na awit o tula, lalo na kapag ginamit bilang pamagat para sa ibang midya gaya ng pelikula.