Ang isang balaklaot (Ingles: monsoon, bigkas: /mɒnˈsuːn/) ay tradisyunal na isang kapanahunan na bumabaligtad na hangin na sinasamahan ng katumbas na mga pagbabago sa presipitasyon[1] subalit ginagamit ngayon upang isalarawan ang pagbabago sa kapanahunan sa sirkulasyong atmosperiko at kinakabit sa taunang pang-latitud na osilasyon ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ, lit. na 'Intertropikal na Sonang Nagtatagpo') sa pagitan ng hangganan nito sa hilaga at timog ng ekwador. Kadalasan, ginagamit ang katawagang balaklaot upang tukuyin ang yugtong maulan ng huwarang nagbabago sa pana-panahon, bagaman mayroon din na yugtong tuyo sa teknikal na aspeto. Ginagamit din ang katawagan upang isalarawan ang lokal na mabigat subalit mailkling panahong tag-ulan.[2][3]
Ang mga pangunahing sistemang balaklaot sa mundo ay binubuo ng mga balaklaot sa Kanlurang Aprika, Asya-Australya, Hilagang Amerika, at Timog Amerika. Sa Pilipinas, tinatawag ang timog-kanlurang balaklaot bilang Habagat at tinatawag Amihan ang hilagang-silangang balaklaot.[4] Tinatawag naman na "siyam-siyam" ang maraming araw na tuloy-tuloy na pag-uulan na na dulot ng Habagat at tanda ito ng simula ng kapanahunan ng tag-ulan.[5][6] Magkasingkahulugan minsan ang Habagat at balaklaot.