May-akda | Lope K. Santos |
---|---|
Bansa | Pilipinas |
Wika | Tagalog |
Tagapaglathala | Surian ng Wikang Pambansa |
Petsa ng paglathala | 1939 |
Ang Balarila ng Wikang Pambansa ay isang aklat hinggil sa wastong pagsasalita at pagsusulat ng wikang Tagalog. Isinulat ito ni Lope K. Santos at inilathala ng Surian ng Wikang Pambansa noong 1939 (Santiago & Tiangco 1997; 2003, p.iii). Ang Paunang Salita nito ay isinulat ni Jaime C. de Veyra na noon ay Direktor ng Surian.
Ang Balarila ay isinulat para sa mga guro na nagtuturo ng wikang Tagalog (Aspillera 1972, p. 89). Nahahati ang mga paksa nito sa Palátitikan, Palábigkasan, Paláugnayan, at Palásurian. Sa apat na paksang ito tanging ang Palásurian ang nabigyan ng masaklaw na paglalahad (Mañalac et. al. 1944, p. 4).
Ang palatitikang itinuturo nito ay ang AbaKaDa na binubuo ng dalawampung titik (Mañalac et. al., p. 6).
Hindi ito ang kaunaunahang isinulat na balarila ng wikang Tagalog. Bago pa man ay mayroon nang mga gramatikang isinulat ang mga Kastila, at mayroon na ring naisulat sa wikang Ingles. Gayundin ang ilan sa mga naunang naisulat na balarila sa wikang Tagalog ay ang Gramatikang Tagalog ni Mamerto Paglinawan noong 1910 at Balarilang Pilipino ni Ignacio Evangelista noon 1923 (Constantino et. al. 2002, p. 16). Napaiba ang Balarila ng Wikang Pambansa sa mga naunang ito dahil tinalikdan nito ang paggamit ng Palasuriang Kastila o Ingles sa pagsusuri ng wikang Tagalog. Lumikha ang Surian ng mga bagong salita na ipinangalan sa mga bahagi at katangian ng wika, kabilang na dito ang salitang "balarila" mismo (Mañalac, et. al., p. v).
Nang isumite ni L. K. Santos ang aklat sa Surian ay pitong kagawad nito ang nagsuri at nagpatibay sa aklat. Sila ay sina Jaime C. de Veyra, Santiago A. Fonacier, Filemon Sotto, Casimiro T. Perfecto, Felix S. Salas Rodriguez, Hadji Butu, at Cecilio Lopez. Tanging si Lopez lamang ang Tagalog sa kanila (Aspillera, p. 86). Nang angkinin ito ng Surian ay nalangkapan na ito ng mga kaisipan ng iba pang kasapi ng Surian subalit ang pinakamalaking bahagi pa rin nito ay kay Lope K. Santos (Mañalac, et. al., p. v).
Matapos maipahayag ni Pangulong Manuel L. Quezon ang Tagalog bilang saligan ng wikang pambansa noong 30 Disyembre 1937 ay pinagtibay niya ang Balarila ng Wikang Pambansa bilang opisyal na balarila ng Pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas noong Abril, 1940 (Aspillera, p.81; Agoncillo, 1980, p. 362). Iniutos niya itong limbagin at gamitin sa mga paaralan kasama ang isang bokabularyo na may pamagat na A Tagalog-English Vocabulary na inihanda ni Teodoro Agoncillo at pinasukan ng ilang pagbabago ni Cecilio Lopez (Agoncillo, p.362).
Unang ginamit ito ng mga mag-aaral ng pagtuturo sa elementarya na nasa ikalawang antas at mga hayskul na nasa ikaapat na antas sa buong bansa (Constantino, et.al. p.29-30; Abiera 2002, p.47). Ayon kina Alfonso O. Santiago at Norma G. Tiangco (1977;2003, p. vi) ang lahat halos ng mga balarilang ginagamit sa mga paaralan, maging sa elementarya, sa mataas na paaralan, sa kolehiyo at unibersidad, ay pawang batay sa Balarila ni Lope K. Santos.. Ganito rin ang pananaw ni Ponciano B. P. Pineda, na dating tagapangulo ng Komisyon ng Wikang Pilipino, na hanggang dekada 70 ay ilan pang mga guro ang gumagamit ng mga aklat na hango sa 1939 Balarila sapagka’t wala silang magamit na mga aklat na makabago (Santiago, at Tiangco, p. iii).
Ang isang halimbawa ng aklat pampaaralan na ibinatay sa opisyal na balarila ay ang Balarilang Pinagaán (1948) nina Antonia F. Villanueva, Jose Villa Panganiban at Antonio D.G. Mariano.
Simula dekada 70 ay may mga naglabasan nang balarila na nagmumungkahi ng pagbabago sa Balarila ng Wikang Pambansa. Ang ilan sa mga ito ay ang Makabagong Balarilang Filipino (1977;2003) nina Santiago at Tiangco at ang Makabagong Gramar ng Filipino (1992;1999) ni Lydia Gonzales-Garcia.