Ang Barong Tagalog[1], Barong Pilipino[1], o Barong lamang ay burdadong pormal na kasuotan sa Pilipinas. Magaan lamang ito at sinusuot na hindi nakasuksok sa loob ng pantalon, katulad sa isang amerikana. Karaniwan itong kasuotang pormal o pang-kasal para sa mga lalaking Pilipino.
Naging tanyag ang pagsuot ng barong sa pamamagitan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay, na sinusuot ito sa karamihan ng opisyal at pansariling mga okasyon, kabilang na dito ang pagluklok sa kanya bilang pangulo ng Pilipinas. Naging opisyal na pambansang kasuotan ang barong sa isang kautusan mula sa dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1975.