Ang eskala ng panahong heolohiko (Ingles: geologic time scale o geological time scale o GTS) ay isang representasyon ng oras batay sa tala ng bato ng Daigdig. Ito ang sistema ng pagpepetsang kronolohikal na gumagamit ng kronoestratigrapiya (ang proseso na inuugnay ang estrato sa panahon) at heokronolohiya (isang siyentipikong sangay ng heolohiya na naglalayon na matukoy ang eded ng mga bato). Pangunahin itong ginagamit ng mga siyentipiko ng agham pandaigdig (kabilang ang mga heologo, paleontologo, heopisiko, heokimiko, at paleoklimatologo) upang isalarawan ang pagsasapanahon at ugnayan ng mga pangyayari sa heolohikong kasaysayan. Naisagawa ang eskala ng panahon sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga patong ng bato at pagmamasid ng kanilang ugnayan at pagtukoy sa mga katangian tulad ng litolohiya, mga katangiang paleomagnetiko, at mga posil. Ang depinisyon ng pinamantayang internasyunal na mga yunit ng panahong heolohiko ay nasa responsibilidad ng International Commission on Stratigraphy (ICS, lit. na 'Komisyong Internasyunal ng Estratigrapiya'), isang kasamang sangay ng International Union of Geological Sciences (IUGS, lit. na 'Unyong Internasyunal ng mga Siyensyang Heolohikal'), na ang pangunahing layunin[1] ay tumpak na bigyang kahulugan ang pandaidigang kronoestratigrapikong yunit ng International Chronostratigraphic Chart (ICC, lit. na 'Internasyunal na Kronoestratigrapikong Tsart')[2] na ginagamit upang bigyan kahulugan ang panahong heolohiko.[2]