Espiritu Santo

Ang Espiritu Santo[1] (literal na Banal na Hininga o Banal na Hangin) o Banal na Ispirito[2] ay isa sa tatlong persona ng Diyos, na kabilang sa tinatawag na Banal na Santatlo[1] sa Kristiyanismong Niseno. Sa Lumang Tipan ng Bibliya, sinasabing masigla ang Espiritu Santo sa paglikha ng daigdig. Pinuno rin ng Espiritu Santo ng mga kapangyarihan ang piling mga tao sa loob ng mga natatanging panahon. Ito ang espiritung kumilos upang makapag-akda ng mga aklat o kasulatan ang mga manunulat sa Banal na Kasulatan. Sa Kristiyanismo, sinasabing nang dahil sa pagkamatay at sa muling pagkabuhay ni Hesus, nabubuhay na sa ngayon ang Espiritu Santo sa lahat ng mga mamamayan ng Diyos. Siya ang nagiging sanhi ng pagiging bago ng mga tao, at siya ring nagtuturo at nagbibigay sa sangkatauhan ng kalayaan sa pagkakaroon ng bagong buhay.[3] Kung kailangan ng tao ng pagliliwanag ng isipan, sa Espiritu Santo ito hinihiling.[1]

Sa Hudaismo, ang Banal na Ispirito ay isang puwersang dibino, katangian at impluwensiya ng Diyo sa uniberso o sa kanyang mga nilalang. Sa Islam, umaakto ang Espiritu Santo bilang ahente ng aksyon o komunikasyong dibino. Sa Pananampalatayang Bahá'í, ang Banal na Espiriu ang intermediyaryo sa pagitan ng Diyos at tao at "ang pagbubuhos ng grasya ng Diyo at ang makinang na mga sinag na nagmula sa Kanyang Pagpapakita".[4]

  1. 1.0 1.1 1.2 English, Leo James (1977). "Espiritu Santo". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.
  2. Gaboy, Luciano L. Holy Spirit - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  3. The Committee on Bible Translation (1984). "Holy Spirit, Dictionary/Concordance, pahina B1". The New Testament, God's Word, The Holy Bible, New International Version (NIV). International Bible Society, Colorado, USA.
  4. "Some Answered Questions | Bahá'í Reference Library". www.bahai.org (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2022-01-31.

From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Nelliwinne