Ferdinand Marcos


Ferdinand Marcos
Ika-10 Pangulo ng Pilipinas
Ika-anim na Pangulo ng Ikatlong Republika
Unang Pangulo ng Ika-apat na Republika
Nasa puwesto
30 Disyembre 1965 – 25 Pebrero 1986
Punong MinistroCesar Virata (1981–1986)
Pangalwang PanguloFernando Lopez (1965–1973)
Arturo Tolentino (1986)
Nakaraang sinundanDiosdado Macapagal
Sinundan niCorazon C. Aquino
Punong Ministro ng Pilipinas
Nasa puwesto
12 Hunyo 1978 – 30 Hunyo 1981
Sinundan niCesar Virata
Assemblyman
Nasa puwesto
12 Hunyo 1978 – 30 Hunyo 1981
Personal na detalye
Isinilang11 Setyembre 1917(1917-09-11)
Sarrat, Ilocos Norte, Pilipinas
Yumao28 Setyembre 1989(1989-09-28) (edad 72)
Honolulu, Hawaii,
Estados Unidos
Partidong pampolitikaPartido Liberal (1946–1965)
Partido Nacionalista (1965–1978)
Kilusang Bagong Lipunan (1978–1986)
AsawaImelda Romualdez
AnakImee Marcos
Ferdinand Marcos, Jr.
Irene Marcos
TrabahoTagapagtanggol

Si Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos Sr. (11 Setyembre 1917 – 28 Setyembre 1989) ay isang politiko, abogado, diktador,[1][2][3][4] na naging ika-10 Pangulo ng Republika ng Pilipinas mula 30 Disyembre 1965 – 25 Pebrero 1986. Siya ay nagsilbing kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas mula 1949 hanggang 1959 at kasapi ng Senado ng Pilipinas mula 1959 hanggang 1965 bago naging Pangulo ng Pilipinas noong 1965 para sa apat na taong termino. Sa kanyang unang termino, sinimulan ni Marcos ang paggugol sa mga gawaing pampubliko kabilang ang pagtatayo ng mga lansangan, tulay, mga health center at mga eskwela. Kanyang napanatili ang kanyang kasikatan sa kanyang unang termino at noong 1969 ay muling nahalal bilang pangulo para sa ikalawang 4 na taong termino. Gayunpaman, ang kasikatan ni Marcos bilang pangulo ay bumagsak sa kanyang ikalawang termino.

Ang pagbatikos kay Marcos sa kanyang ikalawang termino ay nagmula sa panlilinlang sa kanyang 1969 kampanya at talamak na korupsiyon sa pamahalaan.[5] Nagkaroon din ng isang pangkalahatang kawalang kasiyahan ng mga mamamayan dahil ang populasyon ay patuloy na mabilis na lumalago kaysa sa ekonomiya na nagsanhi ng mas mataas na kahirapan at karahasan. Ang NPA ay nabuo noong 1969 at ang MNLF ay nakipaglaban para sa pakikipaghiwalay sa Pilipinas ng Muslim Mindanao. Sinamantala ni Marcos ang mga ito at ang ibang mga insidente gaya ng mga pagpoprotesta ng mga manggagawa at mga estudyante at pambobomba sa mga iba't ibang lugar sa bansa upang lumikha ng isang kapaligiran ng krisis at takot na kanyang kalaunang ginamit upang pangatwiranan ang kanyang pagpapataw ng Batas Militar o Martial Law. Sa panahong ito, ang popularidad ni Senador Benigno Aquino Jr. at ng oposisyong Partido Liberal ay mabilis na lumago.

Sinisi ni Marcos ang mga komunista para sa nakakahinalang pambobomba ng rally ng partido Liberal sa Plaza Miranda noong 21 Agosto 1971. Ang isang isinagawang pagtatangkang pagpaslang sa kalihim ng pagtatanggol ni Marcos na si Juan Ponce Enrile ang isang dahilang ibinigay ni Marcos upang ipataw ang Martial Law ngunit ito ay kalaunang inamin ni Enrile na peke. Noong 23 Setyembre 1972 ay idineklara ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar o Martial Law at binuwag ang Kongreso ng Pilipinas na nag-aalis ng tungkulin sa mga senador at kinatawan. Sa ilalim ng Batas Militar, nagkaroon ng kapangyarihang lehislatibo o paggawa ng batas si Marcos. Noong 1973, pinalitan ang Saligang Batas ng Pilipinas ng 1935 ng isang bagong Saligang Batas at si Marcos ay nagmungkahi ng mga amiyenda sa bagong Saligang Batas na pinagtibay noong 1976 na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan na magpapatuloy na magsanay ng mga kapangyarihan sa ilalim ng 1935 Saligang Batas at ng lahat ng mga kapangyarihang ipinagkaloob sa Pangulo at Punong Ministro ng 1973 Saligang Batas gayundin ng mga kapangyarihang paggawa ng batas hanggang sa iangat ang Batas Militar.

Sa ilalim ng Batas Militar ipinabilanggo ni Marcos ang mga 30,000 politikong oposisyon, mga bumabatikos na mamamahayag at mga aktibista kabilang si Senador Benigno "Ninoy" Aquino. Mula 1973, ginawang pag-aari ng pamahalaan ni Marcos ang mga pribadong negosyo at naging pag-aari ni Marcos o ibinigay sa kanyang mga crony o kamag-anak.[6] Itinatag ni Marcos ang kapitalismong crony at mga monopolyo sa mga mahahalagang industriya gaya ng buko, tabako, saging, pagmamanupaktura, asukal at iba pa na nagbigay ng malaking pakinabang sa kanyang mga crony. Si Marcos ay mabigat na umutang sa dayuhan na umabot ng 28 bilyong dolyar noong mapatalsik si Marcos noong Pebrero 1986 mula kaunti sa 2 bilyong dolyar noong maluklok si Marcos bilang pangulo noong 1965.[7][8] Kanyang hinirang ang mga opiser ng militar upang mangasiwa sa ilang mga korporasyon at inutos niyang kontrolin ng militar ang lahat ng mga pampublikong utilidad at media.[6]

Ang mga hukumang sibilyan ay inalisan ni Marcos ng kapangyarihan at autonomiya.[6] Ang mga sahod ng mamamayan ay nangalahati at ang pambansang sahod ng Pilipinas na hinahawakan lamang ng pinakamayamang 10 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ay tumaas mula 27 % to 37%.[6] Ang kritiko ni Marcos na si Benigno Aquino, Jr. ay natagpuang nagkasala ng hukumang militar ng pagpapabagsak ng pamahalaan ni Marcos noong 1977 at hinatulan ng parusang kamatayan. Nagkaroon ng sakit sa puso si Aquino habang nakabilanggo at pinili ni Aquino na tumungo sa Estados Unidos sa halip na gamutin ng mga doktor na nag-atubiling masangkot sa kontrobersiya. Upang makamit ni Marcos ang pag-endorso ng Papa na dumalaw noong Pebrero 1981 at Simbahang Katoliko sa kanyang rehime, inangat ni Marcos ang Martial law noong 17 Enero 1981 bagaman ang lahat ng mga kautusan at atas na inilabas noong Martial Law ay nanatiling may bisa.

Ang isang bagong halalan ay idinaos noong 1981 kung saan nanalo si Marcos ng isa pang anim na taong termino bilang pangulo. Pagkatapos ng tatlong taon, bumalik si Ninoy Aquino sa Pilipinas noong 21 Agosto 1983 kung saan siya pinaslang sa ng paliparan na kalaunang tinawag na Ninoy Aquino Intenational Airport. Natagpuan ng komisyong hinirang ni Marcos na ang sabawatang militar ang nasa likod ng pagpaslang kay Ninoy ngunit mga nasangkot na kasapi ng militar kasama si Fabian Ver ay pinawalang sala sa isang paglilitis ng pamahalaan ni Marcos.

Ang kamatayan ni Aquino ang nagtulak sa kanyang balong si Corazon Aquino na tumakbo sa 1986 snap election laban kay Marcos. Ang mga iniulat na pandaraya ng kampo ni Marcos sa 1986 halalan at mga karahasan ay humantong sa pagbibitiw ng kalihim ng pagtatanggol na si Juan Ponce Enrile at military vice-chief of staff Fidel Ramos. Ito ay humantong sa Himagsikang People Power na nilahukan ng mula isang milyon hanggang 3 milyong katao noong 1986 dahil sa kawalan ng pagtitiwala ng mga mamamayan sa pamumuno ni Marcos. Ito ay nagtulak kay Ferdinand Marcos at kanyang pamilya na lumikas sa Hawaii, Estados Unidos kung saan siya namatay noong 1989. Sinasabing mula 5 bilyon hanggang 10 bilyong dolyar ang nakamkam ni Marcos mula sa kabang yaman ng Pilipinas sa 20 taon niyang panunungkulan.[9][10] Ang mga 4 bilyong dolyar lamang ang nagawang mabawi ng pamahalaan ng Pilipinas kabilang ang $684 milyon na itinago ni Marcos sa mga Swiss bank account.[11]

  1. "How Filipino People Power toppled dictator Marcos". BBC News. February 17, 2016.
  2. Chaikin, David; Sharman, J.C. (2009), "The Marcos Kleptocracy", Corruption and Money Laundering: A Symbiotic Relationship, Palgrave Series on Asian Governance (sa wikang Ingles), New York: Palgrave Macmillan US, pp. 153–186, doi:10.1057/9780230622456_7, ISBN 978-0-230-62245-6
  3. "Hail to the thief". The Economist. November 12, 2016.
  4. Roa, Ana (September 29, 2014). "Regime of Marcoses, cronies, kleptocracy". Philippine Daily Inquirer.
  5. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-06-15. Nakuha noong 2013-04-08.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link)
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2010-12-16. Nakuha noong 2013-11-03.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link)
  7. http://www.indymedia.org.uk/en/2012/09/500590.html
  8. Maling banggit (Hindi tamang <ref> tag; walang binigay na teksto para sa refs na may pangalang marcos2); $2
  9. http://www.theguardian.com/world/2004/mar/26/indonesia.philippines
  10. Maling banggit (Hindi tamang <ref> tag; walang binigay na teksto para sa refs na may pangalang bbc); $2
  11. Maling banggit (Hindi tamang <ref> tag; walang binigay na teksto para sa refs na may pangalang marcos18); $2

From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Nelliwinne