Ang gastronomiya (Kastila: gas·tro·no·mí·a) ang pag-aaral ng kaugnayan ng kalinangan at pagkain. Madalas ipinaglilito ang salitang gastronomiya sa sining panluto bagaman isa lamang itong munting bahagi ng disiplina sapagkat hindi masasabing ang isang tagapagluto ay isa ring gourmet. Pinag-aaralan sa gastronomiya ang mga sari't saring bahagi ng kalinangan habang sumesentro sa pagkain. Dahil dito, mayroon itong kaugnayan sa mataas o mababang sining at agham panlipunan, pati na rin sa likas na agham pagdating sa sistemang panunaw ng katawan ng tao.