Mga estado sa Gitnang Europa at mga lupaing makasaysayan na pana-panahong may kaugnayan sa rehiyon.
Ang Gitnang Europa (Ingles, Central Europe o kaya Middle Europe) ay isang rehiyon sa kontinente ng Europa na nakahimlay sa pagitan ng may pagkakasamu't saring tiniyak na mga pook ng Silangan at Kanlurang Europa. Ang katawagan at malawakang pagbibigay ng pansin sa rehiyon mismo ay nanumbalik[1] pagsapit ng wakas ng Digmaang Malamig, na pampolitikang naghati sa Europa sa Silangan at Kanluran, na naghati ng Gitnang Europa sa dalawa.[2][3]
Ang diwa ng Gitnang Europa, at ng isang karaniwang pagkakakilanlan, ay tila mailap.[4][5][6] Subalit, pinagdirinan ng mga dalubhasa na maaaring umiiral ang namumukod-tanging kultura ng Gitnang Europa, bagaman kontrobersiyal at pinagtatalunan ang kawariang ito.[7][8] Ibinatay ito sa mga pagkakahalintulad na nagbubuhat mula sa mga katangiang pangkasaysayan, panlipunan, at pangkultura,[7][9] at kinikilala ito bilang isa sa dating naging pinakamayamang napagkukunan ng malikhaing talento sa pagitan ng ika-17 at ika-20 mga daantaon.[10] Binigyang katangian ng Cross Currents: A Yearbook of Central European Culture (maisasalin na "Salungatang-Daloy: Isang Taunang Aklat ng Kultura ng Gitnang Europa") ang Gitnang Europa bilang isang iniwan at pinabayaang Kanluran o isang lugar kung saan nagbabanggaan ang Silangan at Kanluran.[11] Binigyang kahulugan ng Constant Committee for Geographical Names ng Alemanya ang Gitnang Europa kapwa bilang isang namumukod-tanging pook ng kalinangan at isang rehiyong pampolitika.[12][13] Ipinagmamatuwid ni George Schöpflin at ng mga iba pa na ang Gitnang Europa ay binibigyang kahulugan bilang isang bahagi ng Kanluraning Kristiyanismo,[14] habang matatag namang inilagay ni Samuel P. Huntington ang rehiyon sa loob ng kulturang Kanluranin.[15]
Mula sa dekada 2000 at pasulong pa, ang Gitnang Europa ay dumaraan sa isang yugto ng "paggising na may estratehiya",[16] na may pag-agap o inisyatibong katulad ng CEI, Centrope o V4. Habang ang ekonomiya ay nagpapakita ng mga kaibahan hinggil sa kinikita,[17] ang lahat ng mga bansa sa Gitnang Europa ay tinatala ng Talatuntunan ng Kaunlaran ng Tao bilang mga bansang may may napakataas na kaunlaran.[18]