Heógrapíya[1] ang pag-aaral sa kalupaan, katangian, naninirahan, at penomena ng Daigdig.[2] Sa kolokyal nitong kahulugan, tipikal itong tumutukoy sa kinaroroonan ng isang lugar; sa pormal na kahulugan, isa itong malawak na sangay ng agham na naglalayong alamin at maipaliwanag ang Daigdig at kung paano ito humantong sa kasalukuyan nitong mga proseso at hitsura. Bagamat tinutukoy ng heograpiya ang Daigdig, ginagamit rin ang salitang ito upang ilarawan ang ibang mga planeta sa larangan ng agham pamplaneta.[3] Heograpiya ang itinuturing madalas bilang isang "tulay" na nagkokonekta sa likas na agham at agham panlipunan.[4]
Kinekredit sa sinaunang Griyegong heograpo na si Eratostenes ang marami sa mga pundasyon ng pag-aaral sa heograpiya. Si Erastostenes din ang itinuturong nag-imbento sa naturang salita, mula sa salitang Griyego na geographia (Griyego: γεωγραφία),[5] na kalauna'y hiniram ng mga wikang Romanse kabilang na ang wikang Ingles at Espanyol, kung saan nagmula ang modernong salitang Tagalog nito.[1] Gayunpaman, sa mga sulatin ni Ptolemeo unang lumabas ang naturang salita sa pasulat na anyo.[2] Sa kanya nagsimula ang "tradisyon ni Ptolemeo" ng larangan, na kinabibilangan ng teorya ng kartograpiya niya.[6] Gayunpaman, maituturo nang mas maaga ang mga konseptong inilatag niya sa heograpiya, lalo na sa kartograpiya; halimbawa nito ang mga unang tangka ng mga taga-Babylon na ilarawan ang kanilang lugar gamit ang isang mapa noong ika-9 na siglo BKP.[7] Bagamat ang kasaysayan ng heograpiya ay nagsimula sa iba't ibang lugar at panahon, nananatili pa rin ang mga pangunahing konsepto sa mga ito, tulad ng pag-alam sa espasyo, lugar, oras, at lawak.
Sa modernong panahon, isang akademikong larangan ang heograpiya na may samu't-saring mga kaparaanan. May mga pagtatangkang igrupo ito, kabilang na ang pagbibigay-kahulugan sa mga sangay nito gayundin sa apat na tradisyon ng heograpiya.