Watawat na sagisag ng pamayanan (komunidad) ng homoseksuwal. Ang iba ibang kulay ng bahaghari (rainbow) ay sumasagigsag sa pagkakaiba-iba o dibersidad sa homoseksuwal na komunidad.
Ang homoseksuwalidad[1] o homosekswalidad ay romantikong atraksiyon, atraksiyong seksuwal o gawaing seksuwal sa mga kasapi ng magkatulad na kasarian. Ito ay bahagi ng katangian o katauhan ng isang tao. Bilang isang seksuwal na orientasyon, tumutukoy ang homoseksuwalidad sa "permanenteng pagnanais na makaranas ng seksuwal, magiliw, o romantikong atraksiyon" pangunahin o natatangi sa mga taong katulad na kasarian. "Tumutukoy din ito sa pagkakakilanlang pampersonal o panlipunan batay sa mga nabanggit na atraksiyon, mga kilos na ipinapakita nila, at sa pagsanib sa komunidad kung saan sila kabahagi."[2][3]
Isa ang homoseksuwalidad sa tatlong pangunahing kaurian ng oryentasyong seksuwal, kasama nang biseksuwalidad at heteroseksuwalidad. Ayon sa mga siyentipiko at sa pagkakaunawang medikal, ang oryentasyong seksuwal ay hindi pinipili, bagkus ay isang komplikadong pagsasama ng mga dahilang biolohikal at pangkapaligiran.[2][4] Bagamat mayroon pa rin naniniwala na ang mga gawaing homoseksuwal ay "hindi natural" o "dispunksiyunal",[5][6] ipinapakita ng mga pagsasaliksik na ang homoseksuwalidad ay isang halimbawa ng normal at natural na kaurian ng seksuwalidad ng tao at hindi ng isang epekto ng negatibong pag-iisip.[2][7] Ang panghuhusga at diskriminasyon laban sa mga taong homoseksuwal at biseksuwal (homophobia) gayunman ay nagpapakita ng isang malaking epekto pang-silohikal, at mas lalong nakasisira sa mga batang homoseksuwal at biseksuwal.[7]
Pinakatalamak na salitang ginagamit sa mga taong homoseksuwal ang lesbyan o tomboy para sa mga babae at bakla o beki para sa mga lalaki. Ang bilang ng tao na nagsasabi na sila ay bakla o lesbyan at ang bilang ng taong may karanasang seksuwal sa katulad na kasarian ay mahirap sukatin para sa mga mananaliksik dahil sa iba't ibang mga kadahilanan, kabilang na ang maraming mga bakla ang hindi bukas sa paglaladlad dahil sa resulta ng homophobia at diskriminasyong heteroseksismo.[8] Ang mga kilos homoseksuwal ay naidokumento at naitala rin sa maraming espesye ng hayop.[9][10][11][12]
Maraming mga bakla at lesbiyana ang tapat sa mga ugnayan ng magkatulad na kasarian, subalit kamakailan lamang nagkaroon ng mga uri ng senso at kaisipang pampolitika na magsasagawa upang ipakita ang kanilang hanay.[13][14][15][16][17][18][19][20][21][22]