Ikalawang Rebolusyon sa EDSA

Joseph Estrada
Gloria Macapagal-Arroyo

Ang Rebolusyon sa EDSA ng 2001, o tinatawag na EDSA II (Edsa Dos), ay isang apatang-araw na pangyayaring pampolitika na naganap noong Enero 17-20, 2001, na nagpatalsik sa Pangulo ng Pilipinas na si Joseph Estrada at nagluklok kay Gloria Macapagal-Arroyo, na siyang Bise-Pangulo, bilang maging Pangulo ng bansa. Ayon sa mga tagasuporta, ang EDSA II ay "popular", ngunit binansagan ito ng mga kritiko bilang isang sabwatan sa pagitan ng mga elitistang mga pulitiko at mga negosyante, mga matataas na puno ng militar at ni Jaime Cardinal Sin.[1]

Ang humalili kay Estrada ay si Gloria Macapagal-Arroyo, na nanumpa kay Punong Mahistrado Hilario Davide, Jr, bandang katanghalian ng Enero 20, ilang oras bago ang paglisan ni Estrada sa Palasyo ng Malacañang. Ang EDSA ay ang daglat sa ingles ng Epifanio de los Santos Avenue (Abenida Epifanio delos Santos), na siyang isang pangunahing daanan na nagkokonekta sa limang lungsod sa Kalakhang Maynila: ang Pasay, Makati, Mandaluyong, Lungsod Quezon at Caloocan. Naganap ang rebolusyon sa distritong pangkalakalan sa Ortigas Center.

Hati ang reaksiyon ng mundo sa pangyayaring ito. Bagama't agad na kinilala ng Estados Unidos ang pagkalehitimo ng pagkapangulo ni Arroyo, binansagan ito ng ibang bansa bilang "pagkatalo ng due process of law", "mob rule" at "de facto coup d'etat".[2]

Ang tangi lamang na nagpalehitimo ng pangyayaring ito ay ang paglalabas ng kapasiyahan ng Korte Suprema sa mga huling saglit na "ang patakaran ng tao ay ang katas-taasang batas."[3] Nauna nang kumalas sa suporta ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas mula sa pangulo, na sinasabi ng ilang mga tagasuri bilang hindi ayon sa saligang-batas, at siyang sinang-ayunan ng mga dayuhan na tagasuring pampolitika.

Noong Oktubre 4, 2000, nilantad ni Luis "Chavit" Singson, gobernador ng Ilocos Sur, na nakatanggap si Estrada, ang kaniyang pamilya, at maging ng kaniyang mga kaibigan, ng milyun-milyong halaga ng salapi mula sa operasyon ng ilegal na jueteng.[4] Matagal nang magkaibigan dati si Estrada at si Singson bago ang pangyayaring ito.

Marami ang nagalit sa paglalantad na ito. Noong sumunod na araw, maalab na nagtalumpati ang Lider ng Minorya ng Senado na si Teofisto Guingona, Jr. na siyang nag-aakusa kay Estrada ng pagtanggap ng P220 milyong salapi galing sa jueteng mula kay Gobernador Singson mula Nobyembre 1998 hanggang Agosto 2000, at ang pagkuha ng PhP70 milyong buwis mula sa sigarilyo na nakalaan sana para sa Ilocos Sur. Sinangguni ng Pangulo ng Senado na si Franklin Drilon ang talumpating ito sa Blue Ribbon Committee at sa Komite ng Hustisya para sa magkasanib na pagsisiyasat. Isa pang komite sa Kamara de Representantes ang nagpasiya na siyasatin ang nasabing pagbubunyag, habang ang ilang mga kasapi ng Kamara ang humakbang para ma-impeach ang Pangulo.[4]

Dumami ang panawagan para sa pagbibitiw ni Estrada. Ang ilan sa mga ito ay galing kay Jime Cardinal Sin, arsobispo ng Maynila, ang Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas (Catholic Bishops Conference of the Philippines, CBCP), ang mga dating pangulong si Corazon Aquino at Fidel Ramos, at ang bise pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo. Pinahayag ni Cardinal Sin ang pahayag na "Sa ilalim ng iskandalong nagbahid ng dungis sa imahe ng pagkapangulo, sa nakalipas na dalawang taon, kami ay naninindigan na nawala sa kaniya ang moral na otoridad na mamuno" (In the light of the scandals that besmirched the image of presidency, in the last two years, we stand by our conviction that he has lost the moral authority to govern).[5] Dumami pa ang panawagan para sa pagbibitiw ni Estrada, mula sa kaniyang gabinete hanggang sa mga tagapayo sa ekonomiya, at may mga kasapi ng Kongreso na tumiwalag mula sa kaniyang partido.[4]

Noong Nobyembre 13, 2000, sa pamumuno ni Ispiker Manuel Villar, ipinadala ng Kamara de Representantes ang Articles of Impeachment, na nilagdaan ng 115 kongresista, patungong Senado. Pormal nang binuksan ang paglilitis para sa impeachment noong Nobyembre 20, kung saan nanumpa ang dalawampu't isang senador para maging hukom, at pinamunuan ito ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema na si Hilario Davide Jr. Nagsimula ang paglilitis noong Disyembre 7.[4]

Tinutukan ng midya ang araw-araw na paglilitis na ito, at maraming mga tao ang sumubaybay dito. Ang ilan sa mga tampok na eksena ay ang testimonya ni Clarissa Ocampo, na mataas na bise pangulo ng Equitable PCI Bank, kung saan pinatotoo niya na isang talampakan ang layo niya mula kay Estrada noong nilagdaan niya ang pangalang "Jose Velarde" sa mga dokumentong naglalaman ng mga P500 milyong kasunduang pamumuhunan (investment agreement) sa kanilang bangko noong Pebrero 2000.[4]

  1. Bowring, Philip. Filipino Democracy Needs Stronger Institutions. International Herald Tribune website. 2001, January 22. Retrieved January 27, 2009.
  2. Mydans, Seth. 'People Power II' Doesn't Give Filipinos the Same Glow. February 5, 2001. The New York Times.
  3. "SC: People's welfare is the supreme law". The Philippine Star. January 21, 2001. Nakuha noong February 18, 2013.
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 "Estrada vs Desierto: 146710-15 : March 2, 2001 : J. Puno : En Banc". Supreme Court of the Philippines. March 2, 2001. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 24, 2010. Nakuha noong February 18, 2013.
  5. Amando Doronila, The Fall of Joseph Estrada, 2001, p 83

From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Nelliwinne