Kalusúgan, sanidád, o salúd ang kondisyon ng katawan na walang karamdaman o pinsala. Marami itong kahulugan na ginamit sa paglipas ng panahon. Sa popular na konteksto, tumutukoy ito sa pangkalahatang katayuan ng pisikal at pangkaisipang kagalingan ng isang indibidwal, tipikal na inilalarawan bilang walang karamdaman, sakit (kabilang sa isip), o pinsala sa katawan (halimbawa, pagiging lumpo o bulag).
Kinokonsiderang maayos ang kalusugan ng isang indibidwal kung nagsasagawa ito ng mga malulusog na gawain, tulad ng regular na ehersisyo at angkop na haba ng tulog, gayundin sa pagbawas o pag-iwas sa mga kinokonsiderang nakakasama sa kalusugan tulad ng paninigarilyo o matinding stress. Madalas na personal na desisyon ang mga bagay na nakakasama sa kalusugan, tulad ng pagsasagawa ng mga gawaing delikado, o di kaya'y dahil sa sistema ng lipunan, na maaaring makaapekto sa pagkuha ng naangkop na serbisyong medikal ng mga taong nangangailangan nito. Gayunpaman, may mga sitwasyon na wala sa kontrol ng indibidwal, tulad halimbawa ng mga sakit na namamana.