Karagatang Atlantiko

Kinunan ang bidyo na ito ng mga tripulante ng Expedition 29 sakay ng ISS. Nagsimula ang pagdaan mula sa may hilagang-silangan ng pulo ng Newfoundland sa Hilagang Karagatang Atlantiko hanggang sa gitnang Aprika, sa may Timog Sudan.

Ang Karagatang Atlantiko ay ang pangalawang pinakamalaki sa limang karagatan ng mundo, na may lawak na mga 85,133,000 km2 (32,870,000 mi kuw).[1] Sinasakop nito ang tinatayang 17% ng ibabaw ng Daigdig at mga 24% ng sukat ng ibabaw ng tubig nito. Kilala ito na hinihiwalay ang "Lumang Mundo" ng Aprika, Europa at Asya mula sa "Bagong Mundo" ng Kaamerikahan sa pang-unawang Europeo ng Mundo.

Sa pamamagitan ng paghihiwalay nito ng Europa, Aprika, at Asya mula sa Kaamerikahan, gumanap ang Karagatang Atlantiko ng sentral na gampanin sa pag-unlad ng lipunan ng tao, globalisasyon, at mga kasaysayan ng maraming bansa. Habang kilala na ang mga Nordiko bilang ang unang mga tao na tumawid sa Atlantiko, tunay na naging pinakamaresulta ang ekspedisyon ni Cristoforo Colombo noong 1492. Hinatid ng ekpedisyon ni Colombo ang isang panahon ng paggalugad at kolonisasyon ng Kaamerikahan ng mga kapangyarihang Europeo, pinakakapansin-pansin ang Portugal, Espanya, Pransya, at ang Reyno Unido. Mula ika-16 hanggang ika-19 na dantaon, sentro ang Karagatang Atlantiko sa parehong eponimong kalakalan ng alipin at palitang Kolumbiyano habang paminsan-minsang pagkakaroon ng mga labanang dagat. Ang mga ganoong labanang dagat, gayon din ang lumalagong kalakalan mula sa kapangyarihang rehiyon ng Estados Unidos at Brasil, ay parehong pinataas ang antas noong maagang ika-20 dantaon, at habang walang pangkalahatang hidwaang militar ang naganap sa Atlantiko sa kasalukuyang panahon, nanatili ang karagatan na isang gitnang bahagi ng kalakalan ng mundo.

Inookupa ng Karagatang Atlantiko ang isang pahabang hugis-S na palanggana na lumalawak sa longhitud sa pagitan ng Europa at Aprika sa silangan, at ang Kaamerikahan sa kanluran. Bilang isang bahagi ng kabit-kabit na Karagatan ng Mundo, nakakonekta ito sa Karagatang Artiko sa hilaga, ang Karagatang Indiyano sa timog-silangan, at ang Karagatang Katimugan sa timog (sinasalarawan ng ibang mga depinisyon ang Atlantiko na lumalawak tungong timog sa Antartika). Nahahati ang Karagatang Atlantiko sa dalawang bahagi, ang hilaga at timog Atlantiko, sa pamamagitan ng Ekwador.[2]

  1. "Atlantic Ocean". Encyclopædia Britannica (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Pebrero 2017. Nakuha noong 20 Disyembre 2016.
  2. International Hydrographic Organization, Limits of Oceans and Seas, ika-3 ed. (1953), pahina 4 at 13. (sa Ingles)

From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Nelliwinne