Ang kasaysayan ng mundo, sa popular na salita, ay naglalarawan sa kasaysayan ng tao, mula sa paglitaw ng Homo sapiens hanggang sa kasalukuyan na nadetermina mula sa mga nakasulat na talâ. Kung kaya't tinatawag din itong kasaysayan ng tao o kasaysayang pantao, na sa madalíng sabi ay ang kasaysayan ng tao magmula sa pinakamaagang mga kapanahunan hanggang sa kasalukuyan, sa lahat ng mga pook sa ibabaw ng Mundo, na nagsisimula sa Panahong Paleolitiko. Hindi kasáma rito ang hindi pantaong likas na kasaysayan at kasaysayang heolohikal, maliban na lámang dahil sa may kahalagahan ang pagkaapekto ng likás na mundo sa búhay ng mga tao. Kabílang sa kasaysayan ng mundo ang pag-aaral ng nakasulat na mga talâ o rekord, magmula sinaunang panahon pasulong, pati ang karagdagang kaalamang nakamit magmula sa iba pang mga mapagkukunan, katulad ng arkeolohiya. Ang sinaunang naitalang kasaysayan[1] ay nagsisimula sa pagkaimbento, na hiwa-hiwalay ang pagsisimula sa ilang mga lugar sa Mundo, ng pagsusulat, na lumikha sa imprastraktura (saligan at pamamamaraan) para sa nagtatagal at tumpak na paglilipat o transmisyon ng mga alaala, at sa ganitong paraan pati na ang pagpapakalat at paglaki ng kaalaman.[2][3] Subalit, ang mga ugat ng kabihasnan ay umaabot na pabalik sa kapanahunan bago pa ang pagsusulat — ang prehistorya (panahon bago ang nakasulat na kasaysayan) ng sangkatauhan.