Liwasang Rizal

Liwasang Rizal
Liwasang Luneta
Ang Bantayog ni Rizal sa Liwasang Rizal.
Map
UriLunsuring liwasan
LokasyonMaynila, Pilipinas
Mga koordinado14°34′57.46″N 120°58′42.85″E / 14.5826278°N 120.9785694°E / 14.5826278; 120.9785694
Sukat54 ektarya (130 akre)
Nilikha1920
Pinapatakbo ng/niKomite para sa Paglilinang mga Pambansang Liwasan
KatayuanBukas buong taon
WebsaytLiwasang Rizal

Ang Liwasang Rizal o Parkeng Rizal (Ingles: Rizal Park, Kastila: Parque Rizal) ay isang makasaysayang lunsuring liwasan na nasa puso ng Lungsod ng Maynila, Pilipinas. Dating tinatawag na Bagumbayan (mula sa "bagong bayan") noong kapanahunan ng kolonyalismo sa ilalim ng mga Kastila, at tinawag na Luneta pagdaka. Matatagpuan ito sa may Bulebar Roxas, katabi ng lumang napapaderang lungsod ng Intramuros at ang bahaging katimugan naman ay nasa Ermita. Ito ay isa sa mga pinakamalaking lunsuring liwasan sa Asya. Pinupuntahan din ito bilang lugar ng paglilibang, lalo na sa mga Linggo at mga pista opisyal. Isa ito sa mga pangunahing atraksyong panturista ng Maynila. Nakatagpo sa tabi ng Look ng Maynila, mahalagang pook ito sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa pook na ito binaril si José Rizal noong 30 Disyembre 1896. Ang pagkamartir ni Rizal ang dahilan ng kaniyang pagiging bayani ng Himagsikang Pilipino, bagkus, ipinangalan sa kanya ang liwasan para ikarangal ang kanyang pagkabayani. Pinalitan ng opisyal na pangalang Liwasang Rizal ang parke bilang parangal kay Rizal. Nagsisilbi ring punto ng orihen o Kilometro Kupong patungo sa lahat ng ibang mga kalunsuran sa Pilipinas ang monumento ni Rizal. Bilang karagdagan, naganap dito ang Pahayag ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa Estados Unidos noong 4 Hulyo 1946 at naganap din ang mga demonstrasyong pulitikal nila Ferdinand Marcos at Corazon Aquino noong 1986 na nagwakas sa Rebolusyong EDSA.


From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Nelliwinne