Sinasaklaw ng Lutuing Hapones ang rehiyonal at tradisyonal na pagkain ng Hapon, na nalinang sa paglipas ng mga siglo ng pagbabago sa politika, ekonomiya, at lipunan. Nakasalig ang tradisyonal na lutuing Hapones (washoku) sa kanin na may kasamang sinabawang miso at iba pang mga pagkain; may diin sa paggamit ng pana-panahong sangkap. Binubuo ang mga pamutat ng isda, inatsarang gulay, at gulay na niluto sa sabaw. Karaniwan ang pagkaing-dagat, kadalasan iniihaw, ngunit inihahain din nang sariwa kagaya ng sashimi o sushi. Piniprito rin ang mga pagkaing-dagat at gulay sa magaan na batido, katulad ng tempura. Bukod sa kanin, kabilang sa mga pangunahing pagkain ang pansit, gaya ng soba at udon. Marami ring pinapakuluang pagkain sa Hapon, tulad ng mga produktong isda sa sabaw na tinatawag na oden, o baka sa sukiyaki at nikujaga.
Naimpluwensiyahan ng lutuing Tsino sa kasaysayan nito, nahantad din ang lutuing Hapones sa impluwensiya ng mga lutuing Kanluranin sa modernong panahon. Ang mga ulam na kinasihan ng pagkaing banyaga—lalo na pagkaing Tsino—katulad ng ramen at gyōza, pati na rin mga pagkain gaya ng ispageti, kari at hamburger, ay iniangkop sa mga hilig at sangkap ng mga Hapones. Naging pamilyar na rin sa buong Hapon ang ilang mga pagkaing rehiyonal, kasama ang taco rice ng lutuing Okinawa na naimpluwensiyahan mismo ng mga tradisyon sa pagluluto ng mga Amerikano at Mehikano.[1] Sa dating tradisyon, iniwasan ng mga Hapones ang karne dahil sa pagsunod sa Budismo. Subalit sa modernisasyon ng Hapon noong dekada 1880, naging karaniwan na ang mga putaheng karne tulad ng tonkatsu at yakiniku. Mula noon, sumikat sa mundo ang lutuing Hapones, lalo na ang sushi at ramen.
Noong 2011, nilampasan ng Hapon ang Pransiya upang maging ang bansa na may pinakamaraming restawran na may 3-bituing Michelin; magmula noong 2018[update], napanatili ng kabiserang Tokyo ang titulo ng lungsod na may pinakamaraming 3-bituing restawran sa mundo.[2] Noong 2013, idinagdag ang lutuing Hapones sa Intangible Heritage List ng UNESCO.[3]