Makaroni

Makaroni
UriPasta
LugarItalya
Pangunahing SangkapTrigong durum

Ang makaroni (Ingles: macaroni) ay isang uri ng tuyong pasta na gawa mula sa trigong durum (trigong makaroni, na nakikilala rin bilang durhum, Triticum durum o Triticum turgidum durum.[1] Sa karaniwan, ang mga luglog na makaroning hugis siko (Ingles: elbow macaroni noodle) ay hindi naglalaman ng mga itlog (bagaman ang mga ito ay maaaring maging isang sangkap na puwedeng ilagay) at karaniwang hinahati na ang mga hugis ay maiiksi at may butas na lumalagos mula sa magkabilang dulo ng mga ito; subalit, ang kataga ay hindi tumutukoy sa hugis ng pastang ito, bagkus ay sa uri ng masang pinaggawaan nito. Bagaman umiiral ang mga makinang pangtahanan na maaaring makagawa ng mga hugis ng makaroni, ang makaroni ay karaniwang ginagawa sa pabrika upang maikalakal. Ang hugis na pabalantok (baluktok, malantik, paliko, may kurba o kurbado) ay dulot ng iba't ibang mga tulin na nasa mga gilid ng tubo ng pasta habang lumalabas ito magmula sa makina. Ang pangalan nito ay hinango magmula sa Italyanong "maccheroni", subalit ang maccheroni ay ginagamit ng mga Italyano upang tukuyin ang anumang uri ng pasta, anuman ang maging hugis nito, tuwid man, parang tubo, dalawang mga pulgada ang haba o mas mahaba pang pasta. Ang isa pang pangalan, ang chifferi, ay ginagamit bilang pantukoy sa hugis sikong pasta na tinatalakay sa artikulong ito.

  1. "Taxon". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-10-11. Nakuha noong 2012-12-30.

From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Nelliwinne