Mga lalawigan ng Pilipinas

Ang artikulong ito ay bahagi ng seryeng:
Politika at pamahalaan ng
Pilipinas

Ang lalawigan (Filipino: probinsiya) ay ang pangunahing yunit ng lokal na pamahalaan sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, may walumpu't-isa (81) na lalawigan ang Pilipinas na hinahati sa mga lungsod at mga bayan. Ang Pambansang Punong Rehiyon, pati ang mga malayang nakapaloob na lungsod, ay may kalayaan mula sa pamahalaang panlalawigan. Ang bawat lalawigan ay pinamamahalaan ng halal na mambabatas na tinatawag na Sangguniang Panlalawigan at ng isang halal na gobernador.

Ang mga lalawigan ng Pilipinas ay napapangkat sa mga rehiyon ayon sa katangiang pang heograpiya, kultura, at etnolohiya. Sa labing-pitong rehiyon ng bansa, may nakatakdang bilang para sa labing-apat na rehiyon kung saan nauugnay ang kanilang kinalalagyan mula hilaga pababa sa katimugan. Walang itinakdang bilang para sa Kalakhang Maynila o Pambansang Punong Rehiyon (NCR), sa Rehiyong Pampangasiwaan ng Cordillera (CAR) at sa Rehiyong Awtonomo ng Bangsamoro sa Muslim Mindanao (BARMM).

Pinamumunuan ng isang gobernador ang pamahalaan ng bawat lalawigan sa Pilipinas. Ang mga lungsod sa isang lalawigan ay hindi nasasakop sa kapangyarihan ng gobernador. Sa hangad ng lehislatura, bawat isa sa mga ito ay binubuo ng mga distrito. Mayroong mga halal na kinatawan o kongresista ang bawat distrito sa Kongreso o Kapulungan ng mga Kinatawan sa Pilipinas. Ang mga distrito ay nagtataglay din ng isang lupon ng mga kagawad (board members) sa Sangguniang Panlalawigan (tingnan ang sumusunod na seksiyon tugkol sa pamahalaang lalawigan).

Noong 30 Oktubre 2006, inaprubahan ng mga mamayan ng unang distrito ng Maguindanao ang pagkakabuo ng isang bagong lalawigan, ang Shariff Kabunsuan, sa isang plebisito na pinamunuan ng Komisyon ng Halalan. Inaprubahan din noong 2 Disyembre 2006, nabuo din ang bagong lalawigan ng Dinagat Islands sa Surigao del Norte mula sa naganap na plebisito. Itinatag ng Kongreso ng Pilipinas ang mga batas na ukol sa mga ito.


From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Nelliwinne