Inukit na mga anyo ng tatlong marurunong na mga unggoy, na bawat isa ay sumesenyas ng aral hinggil sa moralidad. Mula sa kanan: Huwag makinig ng masama (nagtatakip ng mga tainga), huwag magsalita ng masama (nagtatakip ng bibig), at huwag tumingin sa masama (nagtatakip ng mga mata). Batay ito sa pilosopiya at kuwentong-bayangHapones.
Ang moralidad, kalinisan ng ugali, kalinisang-asal, o kasanlingan ay ang pagkakakilala ng tao sa kung alin ang tama at mali. Ito ang pamantayan ng pag-uugali at magandang asal, lalo na kapag inuugnay sa delikadesa at tamang pag-iisip hinggil sa pagtatalik. Bilang aral, ito ang leksiyon o turo sa tama, wasto, o angkop na kaasalan o pag-uugali, o nauukol sa mabuti at matuwid na kaugalian o asal,[1][2] katulad ng nilalaman ng sa isang kuwentong may aral.[3] Kinasasangkutan ito ng mga prinsipyo ng akma o nararapat na kilos o pakikitungo sa kapwa tao ang dapat tingnan.[3] Kabaligtaran nito ang imoralidad.[2]