Pagkabilog

Sa ponetika, tumutukoy ang pagkabilog (Ingles: roundedness) ng mga patinig sa antas ng pagbilog ng labi habang nagaganap ang artikulasyon ng naturang patinig. Ginagamit ang salitang ito para sa mga patinig; ang katumbas nito sa mga katinig ay pagkalabi. Sa mga bilog na patinig (Ingles: rounded vowel), bumibilog ang labi habang sinasalita ito, habang nakarelaks lang ang labi habang sinasalita ang mga di-bilog na patinig (Ingles: unrounded vowel). Parehong may bilog at di-bilog na patinig sa wikang Tagalog.[1]

Kalimitang mga harapang patinig ang di-bilog, habang bilog naman ang mga likurang patinig. Gayunpaman, may malinaw na pagkakaiba ang pagkabilog ng mga patinig ng magkaparehong taas sa ilang mga wika, tulad ng wikang Aleman, Pranses, at Islandes, gayundin sa wikang Biyetnames, kung saan may pagkakaiba ang mga bilog at di-bilog na patinig ng magkaparehong taas, at sa wikang Alekano, na meron lang mga di-bilog na patinig.[2] Sa mga pares ng patinig sa Pandaigdigang Ponetikong Alpabeto (PPA), nasa kanan sinusulat ang mga bilog na patinig: halimbawa, sa pares na [i y], bilog na patinig ang [y], samantalang di-bilog naman ang [i]. May magagamit din na mga tuldik para ipakita ang antas ng pagkabilog ng isang patinig: U+0339 ◌̹ COMBINING RIGHT HALF RING BELOW at U+031C ◌̜ COMBINING LEFT HALF RING BELOW. Gamit ito, masasabing mas matindi ang pagkabilog ang [o̹] kesa sa [o]; sa parehong pananaw, masasabing mas matindi ang pagiging hindi bilog ng ɛ̜ kesa sa ɛ.[3]

  1. Llamzon (1966).
  2. Deibler (1992).
  3. "Further report on the 1989 Kiel Convention" [Karagdagang ulat sa Kumbensiyon sa Kiel ng 1989]. Journal of the International Phonetic Association (sa wikang Ingles). 20 (2): 23. Disyembre 1990.

From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Nelliwinne