Pagoda

Pakanan mula sa kaliwang itaas: Pagoda ng Hōryū-ji, Hapon; Pagodang Liuhe, Hangzhou, Tsina; Pagodang Phước Duyên, Templong Thiên Mụ, Biyetnam; Templo ng Lawang Prashar, Himachal Pradesh, Indiya; Seokgatap ng Bulguksa, Timog Korea; Pagodang Dayan ng Xi'an, Tsina
Pagodang Shwedagon sa Yangon, Myanmar

Ang pagoda ay isang Asyanong tore na may maraming medya-agwa na karaniwan sa Taylandiya, Kambodya, Nepal, Tsina, Hapon, Korea, Myanmar, Biyetnam, at iba pang bahagi ng Asya. Itinayo ang karamihan ng mga pagoda para gamitin panrelihiyon, kadalasan sa Budismo ngunit minsan sa Taoismo, at kadalasang matatagpuan sa o malapit sa mga vihara. Mababakas ang kasaysayan nito sa stupa habang nilinang ang disenyo nito sa sinaunang Nepal. Tradisyonal na bahagi ng arkitekturang Tsino ang mga pagodang Tsino (Tsino: ; pinyin: ). Bukod sa paggamit sa relihiyon, pinapupurihan ang mga pagodang Tsino mula noong sinaunang panahon dahil sa mga nakamamanghang tanawin ng mga ito, at pinagtitibay ng maraming tulang klasikal ang pagpapagalak ng mga nagtatangkarang pagoda.

Yari sa kahoy ang mga pinakamatatanda at matataas na pagoda, ngunit gawa sa ladrilyo o bato ang karamihan na umiiral pa hanggang ngayon. Walang hungkag o interyor ang ilang mga pagoda. Walang palapag o silid sa itaas ng mga pagodang may hungkag, ngunit kadalasang naglalaman ang loob ng altar o mas maliit na pagoda, pati na rin hagdanan para makaakyat ang mga bisita at makita ang tanawin mula sa siwang sa gilid ng bawat palapag. Sa karamihang pagoda, may tatlo hanggang labintatlong palapag (halos palaging gansal na bilang) at klasikong mga sulambi na bai-baitang.[1][2]

Sa ilang bansa, maaaring tumukoy ang salita sa ibang mga panrelihiyong istraktura. Sa Biyetnam at Kambodya, dahil sa salinwikang Pranses, mas pangkalahatang termino ang salitang pagoda na tumutukoy sa lugar ng pagsamba, ngunit hindi tumpak na salita ang pagoda para tumukoy sa Budistang vihara. Kumalat ang istrakturang stupa sa Asya, at nag-iba ang anyo nito sa bawat rehiyon. Marami ang kampanaryo sa Pilipinas na lubos na naiimpluwensiyahan ng mga pagoda dahil sa mga Tsinong trabahador na inupahan ng mga Kastila.

  1. Architecture and Building [Arkitektura at Pagtatayo]. W.T. Comstock. 1896. p. 245.
  2. Steinhardt, 387.

From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Nelliwinne