Panahon ng bagyo sa Pasipiko ng 2020 | |
---|---|
Hangganan ng panahon | |
Unang nabuo | 8 Mayo 2020 |
Huling nalusaw | 29 Disyembre 2020 |
Pinakamalakas | |
Pangalan | Rolly (Goni) |
• Pinakamalakas na hangin | 220 km/o (140 mil/o) (10-minutong pagpanatili) |
• Pinakamababang presyur | 905 hPa (mbar) |
Estadistika ng panahon | |
Depresyon | 32, 1 (di-opisyal) |
Mahinang bagyo | 23 |
Bagyo | 10 |
Superbagyo | 2 (di-opisyal) |
Namatay | 457 kabuuan |
Napinsala | $4.06 bilyon (2020 USD)(PHP195.27 bilyon) |
Ang panahon ng bagyo sa Pasipiko ng 2020 ay isang medyo aktibong panahon sa taunang pamumuo ng mga bagyo sa hilagang-kanlurang bahagi ng Karagatang Pasipiko. Buong taon ito, kahit na madalas nabubuo ang mga bagyo mula Mayo hanggang Oktubre.
Di natural ang katahimikan ng unang bahagi ng panahong ito, kung saan tanging 4 lamang na sistema at isang malakas na bagyo ang naitala pagsapit ng Hulyo. Dagdag pa rito, ito ang kauna-unahang panahon na walang naitalang ni isang bagyo sa buwan ng Hulyo simula pa noong unang nagsimula ang maasahang pagtatala sa mga ito. Ang unang bagyong nabuo sa rehiyon, si Bagyong Ambo, ay nabuo noong 8 Mayo. Ang pagsisimulang ito ay ang pang-anim sa pinakanahuling simula sa kasaysayan - mas maaga lang nang kaunti kaysa noong taong 1973. Ito rin ang pinakanahuling simula simula pa noong 2016. Mas aktibo ang Karagatang Atlantiko kaysa rito, na tanging nangyari lamang noong taong 2010 at 2005.
Bagamat di masyado aktibo ang panahon noong mga unang buwan nito, ang huling kalahati naman nito ay masyadong aktibo, na lalo pang pinalala ng pandemya ng COVID-19. Noong Agosto, magkakasunod na binayo ng tatlong malalakas na bagyo, sina Bagyong Igme (Bavi), Julian (Maysak), at Kristine (Haishen) ang Tangway ng Korea. Noong buwan naman ng Oktubre hanggang Nobyembre, magkakasunod ring binayo ang Pilipinas ng limang bagyo, sina Bagyong Pepito (Saudel), Quinta (Molave), Rolly (Goni), Siony (Atsani), Tonyo (Etau), at Ulysses (Vamco). Nalampasan ni Rolly si Yolanda pagdating sa pinakamalakas na bagyong base sa bilis ng hangin nito sa loob ng isang minuto na tumama sa kalupaan sa kasaysayan nang tumama ito sa isla ng Catanduanes. Samantala, kumitil naman ng 60 katao si Ulysses at nagpabaha sa malaking bahagi ng Luzon. Ang huling napangalanang bagyo, si Bagyong Vicky (Krovanh), ay nalusaw sa Dagat Timog Tsina noong 24 Disyembre.
Limitado ang artikulong ito sa Karagatang Pasipikong nasa itaas ng ekwador sa pagitan ng 100° silangan at ika-180 meridyan. Sa loob ng bahaging ito ng Pasipiko, may dalawang pangunahing ahensiyang nagpapangalan sa mga bagyo na nagiging dahilan para magkaroon ng dalawang pangalan ang iisang bagyo. Papangalanan ng Ahensiyang Pampanahon ng Hapon (Japan Meteorological Agency, JMA) ang isang sama ng panahon kung ito ay may 10-minutong napapanatiling bilis ng hangin na hindi bababa sa 65 kilometro kada oras (40 milya kada oras) saanman sa nasasakupang lugar, samantalang pinapangalanan naman ng Pangasiwaan ng Pilipinas sa Serbisyong Atmosperiko, Heopisiko, at Astronomiko (PAGASA) ang mga dumadaan na bagyo o nagiging depresyong tropikal (tropical depression) sa loob ng kanilang lugar ng responsibilidad sa pagitan ng 135° sa silangan hanggang 115° sa silangan at sa pagitan ng 5° hilaga hanggang 25° hilaga kahit na wala pang binibigay na pangalan ang JMA. Ang mga minamanmanan na depresyon ng Joint Typhoon Warning Center (JTWC) ng Estados Unidos ay binibigyan ng isang numero at hulaping "W."
Ginagamit ng artikulong ito ang pangalan na binigay ng PAGASA. Para naman sa mga bagyong di pinangalanan ng PAGASA, gagamitin ang pangalan nito sa buong mundo, nang nakapahilis.