Ang patas na paggamit (Ingles: fair use)[1] ay isang doktrinang ligal sa batas ng karapatang-sipi ng ilang mga bansa, tulad ng sa Estados Unidos at Pilipinas, na pinahihintulutan ang kaunting paggamit ng nilalamang protektado ng karapatang-sipi nang hindi na kailangang kumuha ng pahintulot mula sa may-aring karapatang-sipi. Isa ang patas na paggamit sa mga limitasyon sa karapatang-sipi na naglalayong balansehin ang kapakanan ng mga may-aring karapatang-sipi sa kapakanan ng madla sa pinalawak na pamamahagi at paggamit ng mga likha, sa pamamagitan ng paggamit ng doktrina bilang pananggalang sa mga reklamong paglabag sa karapatang-sipi hinggil sa ilang mga limitadong paggamit na maaaring ituring na paglabag sa karapatang-sipi.[2] Pangkaraniwang mas-malawak ang "doktrinang patas na paggamit" ng Estados Unidos kompara sa mga karapatang "fair dealing" na umiiral sa mga bansang nagmana ng Kinaugaliang Batas (Common Law) ng mga Ingles. Ang karapatang patas na paggamit ay isang pangkalahatang kataliwasan para sa iba't ibang mga paggamit ng iba't ibang mga likha. Sa Estados Unidos, nakabatay ito sa nababagay na proporsyonalidad na pagsusuri na sinusuri layon ng paggamit, ang laki o dami ng ginamit, at ang talab ng paggamit sa merkado ng orihinal na likha.
Nagsimula ang doktrina ng "patas na paggamit" sa kinaugaliang batas noong ika-18 at ika-19 na mga dantaon upang hindi maging labis na mahigpit ang paglalapat ng batas ng karapatang-sipi na "sumasakal sa mismong pagkamalikhain na inaasahang lilinangin ng batas [ng karapatang-sipi]."[3][4] Bagamat unang lumitaw ito bilang doktrina sa kinaugaliang batas, pinasok ito sa estatutoryang batas nang ipinasa ng Kongreso ng Estados Unidos Batas ng Karapatang-Sipi ng 1976. Naglabas ng ilang mahahalagang mga pasya ang Kataas-taasang Hukuman ng Estados Unidos upang bigyang-linaw at patotohanan ang doktrinang patas na paggamit mula pa noong dekada-1980.[5] Isa sa pinakahuling mga pasya ang Google LLC v. Oracle America, Inc. noong 2021.