Ang artikulong ito, pahina, o bahagi nito ay kasalukuyang nasa gitna ng pagpapalawig o malawakang pagbabago. Maaari ka ring tumulong sa pagsasagawa ng mga pagbabago. Pakisilip ang mga nakaraang pagbabago kung gusto mong makipag-usap sa user na naglagay nito rito. Maaari itong tanggalin kung walang naganap na mga pagbabago sa mga susunod na araw matapos itong ipaskil dito. Maliban kung walang mga pagbabago, hindi dapat ito burahin. |
Relihiyón ang sosyokultural na sistema ng mga paniniwala at pananaw sa mundo, kabilang na ang inaasahang pag-uugali, moralidad, at etika, na madalas nag-uugnay sa sangkatauhan sa mga pangyayaring supernatural, transendental, o espirituwal.[1] Walang napagkakasunduan na kahulugan ng relihiyon,[2] at maaaring nagtataglay ang mga ito ng mga elementong tulad ng banal,[3] sagrado,[4] pananampalataya,[5] at diyos o mga diyos o katulad na sinasamba.[6]
Tulad ng kahulugan nito, wala ring napagkakasunduan na pinagmulan ng relihiyon. Ipinagpapalagay na umusbong ang mga ito upang bigyang-diin sa mga indibidwal ang kanyang kamatayan, silbi sa lipunan, at mga panaginip.[7] Ang bawat relihiyon ay may mga itinuturing na bagay na banal, tulad ng kasaysayan, naratibo, at mitolohiya, na nakapreserba sa pamamagitan ng pasalitang tradisyon, sagradong teksto, mga simbolo, at mga banal na lugar, at nagpapaliwanag sa pinagmulan ng buhay at ng sansinukob, bukod sa ibang mga penomena. Nagsasagawa rin ang mga ito ng mga ritwal, sermon, pag-alala o paggunita (sa mga diyos o santo), sakripisyo, pista, pagdiriwang, pagsali, kasal, pagluksa, meditasyon, dasal, musika, sining, sayaw, o serbisyong pampubliko.
Tinatayang nasa 10,000 relihiyon ang kasalukuyang meron sa mundo,[8] bagamat marami sa mga ito ay nakatuon lang sa kani-kanilang mga lugar. Apat sa mga ito — Kristiyanismo, Islam, Hinduismo, at Budismo — ay sinusunod ng 77% ng kabuuang populasyon ng tao ayon sa isang ulat noong 2012; kung isasama ang mga di-relihiyoso, aabot ito sa 92%.[9] Ibig sabihin, ang natitirang 8% ng populasyon ng tao ay kabilang sa isa sa di bababa sa 9,000 relihiyong natitira. Itinuturing na di-relihiyoso ang mga tao na walang kinabibilangang relihiyon, ateista, o agnostiko, bagamat iba't iba ang antas ng paniniwala ng mga ito.[10]
Organisado ang karamihan sa mga pandaigdigang relihiyon, kabilang na ang mga Abrahamikong relihiyon (Kristiyanismo, Islam, at Hudaismo), habang ang ilan ay hindi gaanong kaorganisado, tulad ng mga tradisyonal at katutubong relihiyon, gayundin sa ilang mga Silanganging relihiyon. May mahalagang bahagdan ng populasyon na miyembro ng mga bagong kilusang panrelihiyon.[11] Sa kasalukuyang panahon, patuloy na dumadami ang mga relihiyoso dahil sa pagtaas ng populasyon sa mga bansang relihiyoso.[12]
Malawak ang saklaw ng araling panrelihiyon, na kinabibilangan ng teolohiya, pilosopiya ng relihiyon, pagkukumpara sa relihiyon, at mga maagham na pag-aaral sa sosyolohiya. Samantala, sinusubukang masagot ng mga teorya ng relihiyon ang pinagmulan at pundasyong ontolohikal ng mga relihiyon, tulad ng pananampalataya at ang silbi ng pag-iral.[13]