Ang Sosyalistang Saligang Batas ng Republikang Bayang Demokratiko ng Korea (Koreano: 조선민주주의인민공화국 사회주의헌법, MR. Chosŏn Minjujuŭi Inmin Konghwaguk Sahoe) ay ang naglilingkod bilang saligang batas ng Hilagang Korea. Inaprubahan ito ng ika-6 na Asembleyang Bayang Kataas-taasan sa unang sesyon nito noong 27 Disyembre 1972, at dinagdaga't sinusog noong 1998, 2009, 2012, 2013, 2016 at 2019. Pinalitan nito ang unang saligang batas ng bansa na inaprubahan noong 1948. Kasalukuyan itong binubuo ng pitong kabanata at 172 artikulo na naglalahad ng mga prinsipyong pangunahin ng Hilagang Korea sa politika, ekonomiya, kalinangan, simbolo't tanggulang pambansa, karapatan at tungkuling pangunahin ng mga mamamayan, at organisasyon ng pamahalaan. Pinamamahalaan din ang bansa ng Sampung Prinsipyo para sa Pagkakatatag ng isang Sistemang Ideolohikong Monolitiko, na sinasabi ng ilan na pumalit sa saligang batas at sa praktika'y pinakamataas na batas ng bansa.[1][2]
- ↑ Lim, Jae-Cheon (2008). Kim Jong-il's Leadership of North Korea. United Kingdom: Routledge. ISBN 9780203884720. Nakuha noong January 20, 2014.
- ↑ Green, Christopher. "Wrapped in a Fog: On the North Korean Constitution and the Ten Principles," Sino-NK, June 5, 2012. Retrieved January 3, 2016.