Sangguniang Barangay

Ang artikulong ito ay bahagi ng seryeng:
Politika at pamahalaan ng
Pilipinas

Ang Sangguniang Barangay, kilala sa wikang Ingles bilang Barangay Council, at dating kilala bilang Rural Council (Konsehong Rural) at pagkatapos Barrio Council (Konsehong Baryo), ay isang lehislatibong lupon ng isang barangay, ang pinakamababang anyo ng pamahalaan sa Pilipinas.

Pinamumunuan ng bawat sanggunian o konseho ng Punong Barangay o tinatawag sa Ingles bilang barangay captain, at mayroon itong pitong kasapi na tinatawag na barangay kagawad (o barangay councilman sa Ingles), at kasama din ng konseho ang tagapangulo ng Sangguniang Kabataan, kaya, ang Sangguniang Barangay ay binubuo ng walong kasapi. Hinahalal lahat ng opisyales na ito ng mga residente ng isang partikular na barangay. Tulad ng ibang mga lokal na opisyales na hinahalal, ang kasapi ng Sangguniang Barangay ay kailangang isang mamamayang Pilipino at nakatira sa barangay na kanyang nais pagsilibhan ng hindi bababa sa isang taon bago agad ng halalan ng barangay.[1] Dagdag pa dito, kailangang marunong magsulat ang kandidato ng Filipino o kahit anumang ibang wika o diyalekto sa Pilipinas.[1] Para sa mga nais maging punong barangay o kasapi ng Sangguniang Barangay, kailangang hindi bababa ang gulang nila sa 18 taon sa araw ng eleksyon habang sa mga kandidato ng Sanggunian Kabataan, kailangang 15 taon hanggang 21 taon gulang lamang sila sa araw ng halalan.[1]

Bilang isang asambleang katawan, pangunahing pinapasa ng Sangguniang Barangay ang mga ordinasa at resolusyon para sa epektibong pamamahala ng barangay. Nakalahad ang kapangyarihan at tungkulin ng lupon na ito sa Lokal na Kodigo ng Pamahalaan ng 1991.[2] Para sa iba pang opisyal, hinihirang ang kalihim (o sekretarya) at ingat-yaman ng punong barangay na may pagsang-ayon ng Sangguniang Barangay.[2] Nakalahad din ang kanilang kuwalipikasyon, kapangyarihan, at tungkulin sa Lokal na Kodigo ng Pamahalaan ng 1991.[2]

  1. 1.0 1.1 1.2 "QUALIFICATION AND ELECTION - Book I - Title Two - Chapter 1". Commission on Elections (sa wikang Ingles). 10 October 1991. Nakuha noong 27 November 2022.
  2. 2.0 2.1 2.2 "THE LOCAL GOVERNMENT CODE OF THE PHILIPPINES - BOOK III - LOCAL GOVERNMENT UNITS" (PDF) (sa wikang Ingles). Department of the Interior and Local Government. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2022-06-23. Nakuha noong 2022-11-27.

From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Nelliwinne