Ang saribuhay[1] o pagkasari-sari ng buhay (Ingles: biodiversity, biological diversity) ay baryedad at pagkakaiba-iba ng buhay sa mundo. Sukatan ang saribuhay ng baryasyon sa mga antas ng henetika, espesye, at ekosistema.[2]
Hindi pantay-pantay ang saribuhay sa mundo; mas sari-sari ito sa mga tropiko dahil sa mainit-init na klima at mataas na pangunahing produksiyon sa rehiyon na malapit sa ekwador. Wala pang 10% ng rabaw ng mundo ang mga ekosistema ng tropikal na kagubatan at nilalaman ang mga ito ng 90% ng mga espesye sa mundo. Mas mataas ang saribuhay ng dagat sa mga baybayin sa Kanlurang Paspiko, kung saan pinakamataas ang temperatura ng pinakaibabaw ng dagat, at sa bandang gitnang latitud sa lahat ng mga karagatan. Waring kumukumpol-kumpol ang saringbuhay sa mga hotspot, at tumataas ito sa paglipas ng panahon, ngunit malamang na babagal ito sa hinaharap bilang pangunahing bunga ng deporestasyon. Sinasaklaw nito ang mga proseso sa ebolusyon, ekolohiya, at kultura na sumusustine sa buhay.[3]