Tumutukoy ang sistema ng lansangang bayan sa Pilipinas (Philippine highway network) sa sistemang lansangang bayan (o highway network) ng Pilipinas. Isa itong sistema ng mga pambansang daan na pagmamay-ari at pinapanatili ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan (DPWH), at nakaayos ang mga ito sa tatlong uri batay sa gamit o layon na pinaglilingkuran ng mga ito sa sistema: pambansang primera, pambansang sekundarya, at pambansang tersiyaryo.[1] Ang mga pambansang daan na nag-uugnay ng mga pangunahing lungsod ay nakabilang na N1–N49. Kadalasan ang mga ito ay mga pang-isahan at pandalawahang daanan (single at dual carriageways) na nag-uugnay ng tatlo o higit pang mga lungsod.[1]
Mula 2015, ang sistema ng lansangang bayan sa Pilipinas ay may kabuuang haba na 19,162.72 kilometro (11,907.16 milya) ng mga kongkretong daan, 9,756.45 kilometro (6,062.38 milya) ng mga aspaltadong daan, 3,636.96 kilometro (2,259.90 milya) ng mga grabang daan, at 77.24 kilometro (47.99 milya) ng mga lupang daan.[1] Ayon sa isang ulat mula sa Bangko sa Pagpapaunlad ng Asya noong 2011, ang haba ng sistemang lansangan sa Pilipinas ay maihahalintulad sa karamihan sa mga umuusbong na karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya. Ngunit nahuhuli ang bansa sa mga karatig-bansa nito kung ibabatay sa kalidad ng sistema (tulad ng porsyento ng mga patag na daan o paved roads at porsyento ng mga daan na nasa maayos na kalagayan).[2]