Sweet Home

Ang Sweet Home (Koreano: 스위트홈; Filipino: Matamis na Tahanan) ay isang Timog Koreanong webtun na inakda nila Kim Carnby (kwento) at Hwang Young-chan (guhit). Una itong inilathala sa Naver Webtoon noong Oktobre 12, 2017 at nagtapos na mayrong 141 mga kabanata noong Hulyo 2, 2020.

Ikinukuwento ng Sweet Home ang tungkol sa isang binatang nais magpatiwakal ngunit natagpuan ang sarili sa gitna ng isang tila di-maipaliwanag na penomena ng "monsterization", kung saan ang mga tao ay nagbabagong-anyo at nagiging halimaw batay sa kani-kanilang lunggati o niloloob na hangarin.

Naging tanyag ang Sweet Home mula nang nailathala ito; noong Enero 2021, umabot nang 2.4 milyon at 15.2 milyon ang bilang ng mga tagasubaybay at likes ng opisyal na salin nito sa Ingles. Noong Pebrero 28, 2020, inilathala ng Wisdom House ang bersiyon ng Sweet Home na nailimbag bilang isang komiks. Noong Disyembre 18, 2020, isinapubliko ng Netflix ang isang teleseryeng nakabatay sa kwento ng Sweet Home.

Noong Pebrero 22, 2021, nilathala ng Naver Webtoon ang prikwel ni Kim Carnby para sa Sweet Home: ito ay pinamagatang Shotgun Boy (엽총소년) na iginuhit naman ni Hongpil.


From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Nelliwinne