Ang tinapa[1][2] o tapa[1] ay isang isdang pinausukan at kinakain. Tinatawag na pagtatapa ang pamamaraan sa paggawa ng tapang isda, kung saan naglalagay din ng mga pampalasa. Isang uri ito ng pagluluto o pag-iimbak para mapanatili ang kasariwaan ng isda habang hindi pa kinakain. Idinadarang ang mga isda sa mga usok na nagmumula sa mga nasusunog na mga kahoy o ibang bahagi ng halaman. Pangkaraniwang tinatapa ang mga isda at karne, bagaman maaari ding pausukan ang mga keso, gulay, at mga sahog ng mga inumin tulad ng whisky,[3] Rauchbier, at tsaang lapsang souchong.
Sa Europa, karaniwang ginagamit ang kahoy mula sa mga puno ng alder, robles, at haya. Sa Hilagang Amerika, madalas namang gamitin ang mga kahoy mula sa mga puno ng hickory, mesquite, oak, pecan, alder, maple, mansanas, ratiles at sirwelas. Sa halip na mga kahoy, maaari ring gamitin ang ibang mga pamapausok, katulad ng bigas, asukal at tsaa na pinapainitan sa may ilalim ng lutuan. Sa ilang mga bahagi ng Hilagang Amerika, pinauusukan din ang mga hamon at tosino na ginagamitan ng mga busal ng mais. Sinusunog din ang mga pinatuyong lumot na ginagamit sa paggawa ng kinultang serbesa at whisky.
Sa kasaysayan ng Kanluran, may mga gusaling tinatawag na bahay-tapahan o tapahan[2] ang mga bukirin kung saan tinatapa at iniimbak ang mga karne. Karaniwang nakahiwalay ang bahay-pausukan mula sa ibang mga gusali upang maiwasan ang pagkakaroon ng sunog, at dahil na rin sa pag-iwas na malanghap ang usok. Gumagamit naman ang mga katutubong Amerikano ng Estados Unidos ng buccan, isang kasangkapang pampausok.