Valentina Tereshkova

Si Valentina Tereshkova noong 2002.

Si Valentina Vladimirovna Tereshkova (Ruso: Валенти́на Влади́мировна Терешко́ва; ipinanganak noong 6 Marso 1937), ay isang retiradong Sobyetang kosmonota (isang Rusang astronota). Siya ang unang babaeng nakalipad sa kalawakan habang nakalulan at gumanap na piloto ng Vostok 6 noong 16 Hunyo 1963.[1] Siya, kasama ang apat pang iba, ang napili mula sa 400 iba pang mga kababaihang aplikante upang lumipad sa kalawakan. Napili siya mula sa limang pinalista. Sa misyong ito, na tumagal ng may tatlong mga araw sa kalawakan, nagsagawa siya ng sari-saring mga pagsubok sa kanyang sarili upang makakalap ng mga dato hinggil sa reaksiyon ng katawan ng babaeng tao sa paglipad sa kalawakan. Umorbita siya sa paligid ng Mundo sa loob ng 71 mga oras. Siya ang unang babaeng umorbita sa paligid ng Mundo. Nagbalik siya ng matiwasay sa Mundo noong 19 Hunyo 1963.[1]

Limang buwan pagkaraan ng kanyang paglalakbay sa kawalan, nakipag-isangdibdib siya sa kanyang kasamang lalaking kosmonotang si Andrian Nikolayev. Wala na siyang isinagawang iba pang mga pagtungo sa kalawakan. Ngunit marami pang ibang mga kababaihan, mga babaeng Ruso at mga Amerikana, ang sumunod sa kanyang halimbawa at yapak upang maging mga kosmonota at mga astronota.[1]

Bago maging isang kosmonota, isang manggagawang tagapagbuo sa isang pabrika ng tela at isang hindi propesyunal na parakaydista. Pagkaraang mabuwag ang pangkat ng mga kosmonotang babae noong 1969, naging isa siyang kasapi ng Partidong Komunista ng Unyong Sobyet, na tumangan ng sari-saring mga tanggapang pampolitika. Pagkaraan ng pagbagsak ng Unyong Sobyet, nagretiro siya mula sa larangan ng politika ngunit nananatiling isang bayani sa Rusya.

  1. 1.0 1.1 1.2 Firth, Lesley (Patnugot Panlahat) atbp. (1985). "Valentina Tereshkova, Who Was the First Woman to Orbit the Earth?". Who Were They? The Simon & Schuster Color Illustrated Question & Answer Book. Little Simon Book, Simon & Schuster, Inc., Lungsod ng Bagong York, ISBN 0671604767., pahina 119.

From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Nelliwinne