Ang watawat, bandera, o bandila ay isang piraso ng tela na may iba't ibang disenyo na kadalasang parihaba at karaniwang ginagamit bilang isang simbolo, kagamitang pansenyas o pang-gayak.[1]
Ang mga sinaunang watawat ay ginamit upang maging gabay pang-sandatahan sa mga labanan, at simula noon ay ginamit na ang mga ito sa pangkalahatang panseyales at pangtukoy, lalo na sa mga kaganapan na ang pakikipagtalastasan ay ganap na mahirap. Isang mabisang makabayang sagisag naman ang mga pambansang watawat, na may iba't iba at malawak na paliwanag, na kadalasang may matinding pansandatahang kaugnayan dahil na rin sa orihinal at patuloy na gamit pansandatahan nito. Ginagamit din ang mga watawat upang maghatid ng mensahe, patalastas, o bilang pangpalamuti. Tinatawag na Vexilolohiya ang pag-aaral ng mga watawat, mula sa salitang Latin na nangangahulugang watawat o bandila.